ANG LIBRO NG BUHAY
November 24, 2010
by Aaron Testado
Chapter 1 Kalikasan ng Buhay
Sisimulan ko ang librong ito sa isang tanong, ito ay kung ano ang buhay? Ang bawat galaw ng planeta sa kalawakan, ang ikot ng mga planeta sa haring araw at maging ang galaw ng mga tao sa mundo. Ang mga bagay na ito ay isa lamang sa mga hindi natin napapansin ngunit nandiyan lamang at nagbibigay epekto sa buhay natin sa araw araw. Malalam ang umaga kung iisipin, medyo malulungkot ka ngunit sa bawat sinag ng araw makikita mo ang kulay nito. Huminga ka ng malalim at maamoy mo ang amoy ng tuyong damo na nababad sa hamog ng umaga. Samantalang ang mga ibon ay humuhuni ng isang napaka gandang himig, pumapagaypay ang mga pakpak sa kalangitan at dahan dahang bumababa patungo sa parang. Habang pinagmamasdan mo ang hiwangis ng kapaligiran, mararamdaman mo naman ang simoy ng sariwang hangin na galing sa bundok, kasabay nito ang mga tuyong dahon na animoy buhay na lumilipad at ang malamig na pakiramdam mula sa iyong ulo hanggang paa. Doon mo masasabi na ang tao ay napaka swerteng mabigyang biyaya na mabuhay sa mundo. Ang bagay na walang buhay katulad ng bato ay hindi nakakaranas nito, kundi tayong tao lamang. Bakit nasabi kong tao lamang? Ano ba ang wala sa mga hayop at halaman? Iyon ay wala silang ganang umisip ng malalim tulad ng tao.
Ano ba ang hayop? Kasiyahan nilang kumain sa ilalim ng araw, at matulog sa kumot ng gabing magdamag. Sila’y pinapakain ng maylalang ng lahat ng bagay, nagpaparami sa mga parang at nagbibigay buhay sa susunod na henerasyon ng kanilang lahi o dili naman kaya ay humantong sa ikabubuhay ng ibang nilalang ng lumikha. Ito ang buhay ng hayop sa mundo. Ngunit may pagkakaiba sa atin; kahit na sinasabi ng siyensya na ang tao ay kasama sa grupo ng hayop ito’y malayo, dahil ang hayop ay walang ganang kanya na magisip tulad ng tao. Sila’y kasama sa nagbibigay buhay sa mundo, nagpapasaya sa mga sandali ng buhay ng tao sa daigdig, tulad ng mga aso, nagbibigay kulay sa bawat sandali, tulad ng mga ibon at nagbibigay ng buhay sa mga tao tulad ng kalabaw.
Samantalang ang mga halaman naman ay sumasala sa hangin upang ito’y maging sariwang muli at malalanghap natin ng malamig at kaayaaya. Sila ang dahilan kung bakit ang tao ay nabubuhay sa araw-araw. Sa kanila naka-salalay ang buhay ng lahat sa daigdig. Ang mga butil nila ang nagsisilbing pagkain natin tulad ng palay, ang kanilang matatamis at masasarap na bunga ay nagbibigay bitamina sa mga kakain nito. Ginagawa natin silang mga gamot bilang lunas sa matitindi nating sakit.
Ito ang mundo na ating kinikulusan sa araw araw, Ang sikat ng araw na nagpapatibay sa ating buto at nagbibigay init sa ating lahat upang ang mundo ay maging kaayaaya sa lahat ng nilalang nito. Ginawa ito ng may likha ng lahat upang ating gawing tirahan, kahit na paulit ulit natin itong gamitin ay walang sawa ang kalikasan ng mundo na tayo’y buhayin.
Sa aking pagbabasa nababanaag ko ang paglikha ng tao sa mundo, upang siya ang maging tagapagmasid at tagapag alaga sa lahat ng nilalang nito. Ang pagkakaugat natin sa kalikasan ay hindi natin mai-isasang tabi, dahil lahat tayo ay galing dito. Mula tayo sa mundo at ang mundo’y walang sawa tayong binubuhay sa araw araw. Hindi man natin banaag kung paano nilikha ng halaman ang hihip ng hangin na pumapasok sa ating katawan o ang hiwaga man ng pagkakalikha sa ating mga pagkain, ay heto ang kalikasan tuloy sa pagbuhay sa atin. Hindi kaba nagtataka sa mga sukat ng iyong kamay, paa, o nang iyong buong katawan? Bakit ginawa ka ng kalikasan sa anong paraan? O sa mga sukat ng dahon, puno at ang pagkakaroon nito ng sanga at bunga. Naitanong mo na ba bakit may mga sukat silang magkakapareho maging tayo man mga tao sa mundo. Ang gintong sukat, ay hindi maiwawaglit ang kahalagahan nito sa siyensya at maging sa kalikasan ito rin ang sinasabi nilang sukat ng kamay ng lumika ng langit at ng lupa. Lahat tayo ay meron nito at ito’y totoo maging sa kalikasan. Mainit ang araw at iyan ay sadyang totoo, sa init niya kumukuha ng lakas ang mga halaman upang tayong mga nilalang sa mundo’y makahinga at muli makapagbigay ng biyaya sa mundo. Mula umaga sa unang sinag niya ay walang sawang nagbibigay liwanag at kasiyahan na makita ang buong paligid sa mundo, isang sistema na hindi natin matatanggal sa buhay nating mga tao at maging nang buong nilalang sa mundo.
Saan ka man pumunta sa lugar ng mundo, hindi natin maitatanggi na ikaw ay makakakita ng asul na langit sangkap nito ang ulap na animo’y bulak na ibinubuga sa kalangitan. Kung minsa’y makakita ka ng hugis lobo o dili naman ay hugis ng mga kabayong parang gustong bumaba sa lupa. Makakita ka rin ng malamlam nitong sandali sa dapit hapon na tila nalulungkot na tapusin ang buong maghapon. Sa kalangitan natin makikita ang mga pagaspas ng magagandang ibon na nilikha ng Dios. Na kung pagmamasdan mo ito ay para ka naring lumilipad. Sila’y masasabing malalayang nilalalang ng lumikha, malaya nilang ikakampay ang kanilang pakpak habang ang mga nasa lupa ay gumagawa ng kanilang mga gawain. Dito rin natin binubuo ang ating mga pangarap at ito rin ang sumisimbolo ng ating tagumpay. Pinang hawakan na natin ang buong kalangitan simula pa ng una, dito tayo dumadalamhati, dito tayo nagdarasal at sumasamba. Ito na rin ang naging tagapagdala ng ating pagninilay sa mundong ibabaw. Iyan ang kalangitan, kalangitan na nagpapahiwatig sa malaya nating pagiisip bilang tao at nang malayang buhay ng lahat ng lumilipad dito.
Habang lumilipad ang ating isipan sa kalangitan, tayo’y pumalaot sa karagatan at sa buong katubigan ng mundo. Dito natin makikita ang ibat ibang uri ng lamang dagat na nagbibigay rin ng buhay sa ating lahat na nasa lupa, ang kanyang kalalilaman ay hindi pa nararating nating mga nilalang sa lupa. Ang kanyang mga alon ay sumisimbolo sa katatagan at tibay nating pinagdadaanan, kaya niyang tumbasa ng bilang ang bituwin sa kalawakan sa dami ng buhangin ng kanyang mga pampang. Kaya niyang ikutin ang mundo sa haba ng kanyang daanan sa lupa at higit sa lahat siya ang naging susi sa ating buhay dito sa lupa. Mapapansin natin ang kanyang mga brilyantitos na kinang sa ilalim ng araw. Ang malamig na tubig ay nagbibigay sa atin ng kalakasan na tunawin ang kinain natin sa maghapon. Napakasarap magtampisaw sa kanya na gustong gusto ng mga bata, iyan ang biyaya ng tubig sa ating buhay. Binubuhay niya tayo at ang mga halaman upang maging ating pagkain ng sa gayon ay mag karoon ng buhay sa mundo. Kakampi niya ang araw sa pagpupunyaging bumuhay ng nilalang sa buong kalatagan ng mundo. Hindi kayang sukatin ang kanyang ambag sa buhay at ang pagkakaroon nito. Libo-libo, milyon-milyon, bilyong-bilyong taon niyang nilatagan ang mundo upang bumuhay at maging tirahan ng nilalang ng lumikha. Talaga namang walang maiiugnay sa pambihirang katangian ng kalaliman ng mahiwagang tubig. Hanggang sa panahong ito wala pang taong nakakarating sa pinakamalalim na parte ng tubig.
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.








