"A single bullet can kill a person instantly and a Pen can kill thousand more by a single sheet of paper."

Home » Post Item » Maging Responsable sa Pagboto

Maging Responsable sa Pagboto

November 19, 2010

by Aaron Testado

                Sa tuwing botohan ay laging nagiging maulan, mabubuhay ang mga tao, walang magugutom at lalakas ang ekonomiya natin. Dahil sa mga pondong ilalaan ng mga tatakbo para sa mga tao. Sinasabi ko ito dahil hindi ako bulag sa mga nangyayari sa bayan ko. Sa isang demokrasyang pamayanan, nagagawa kong sabihin lahat ng gusto ko sa panahong gusto ko. Sawa na po ako sa mga pangako ng pagbangon gayung pitumput limang porsyento ng mga Pilipino ay walang trabaho at ito’y sa ibat-ibang kadahilanan. Ang mga magagaling sa lipunan ay walang pagkakataon umupo sa gobyerno dahil hawak ito ng mga bobo at kapit tukong mga pulitiko. Hindi ko lalahatin ngunit masasabi kong hindi lahat ng nakaupo sa gobyerno ay karapat dapat sa upuan nila. Dahil dito nagsasayang sila ng pera ng taong bayan para sundin ang luho nila at ng kanilang mga alipores. Paano uusad ang puro daldalang senado? Paano uusad ang Kongresong Halos lahat akala mo ay modelo sa pustura? Naatim nilang magsuot ng mamahaling mga alahas, damit at relo gayong ang mga nasasakupan nila ay nagtitipak ng niyog, namamalimos sa kalye o dili naman kaya ay patis at asin ang ulam. Paano nilang naatim na sumakay sa mga PAJERO at mamahaling mga sasakyan gayong ang mga taong nasasakupan nila ay umaalma sa taas ng gasolina?

                Hindi sapat na sabihin nila sa atin na ang kanilang pag tratrabaho sa gobyerno ay nangangailangan ng ganitong mga bagay.  Ang upuan ng liderato ng ating bayan ay karamihan ay hawak ng mga walang pusong tao. Paano nila naaatim na sa likod ng kanilang mga magagara at pormal na pananamit ay may mga taong ibinebenta na ang kaluluwa para mabuhay sila.

                Sabay isisisi sa pagboto sa mga tao, hindi nila pwedeng idahilan na kaya sila nandun sa pwesto ay dahil sa mga BOBONG BOTANTE. Sa akin naman palagay walang problema kung bobo ang botante, kagagawan din nito nila. Sinong tao ang papasok sa eskwelahan gayung walang upuang naghihintay sa kanya? Sinong tao ang papasok sa unibersidad gayung ang sistema ay palakasan? Makakapunta ka ba sa isang pang publikong kolehiyo na may mabilis at libreng edukasyon? Bago ka pa mabigyan ng Schoolarship ay napakarami mong pagdadaanang masalimuot na exams. Samantalang ang layunin ng mga Institusyon ay makapagbigay ng masusi at mahusay na edukasyon para sa lahat.

                Ang ating konstitusyon ay nag gagarantiya ng isang malawak na demokrasya ngunit sa likod nito patuloy ang mga patayan sa larangan ng mga Mamamahayag, patuloy ang mga warrantless arrest at patuloy ang pagdukot o pagpatay sa mga lumalaban sa gobyerno. Ang tanong ko sa ating gobyerno ay ganito; hindi kaba lalaban sa gobyerno kung nakikita mong lahat ng pinaghirapan mo ay kinakamkam ng nakaupo dito? Magbubulagbulagan ka ba sa mga katiwaliang nangyayari sa ating lipunan? Maatim mo ba na mamatayan ng mahal sa buhay dahil sa kawalan ng pera? Nasaan ang mga pondong nararapat sa tao? 

                Sinasabi na ang hustisya ay para sa lahat ng tao ngunit bakit maraming nakukulong na mga inosenteng tao? Laganap ang suhulan sa ating Hudikatura, kung wala kang pera hindi ka aasikasuhin ng mga pribadong abogado. Salamat sa pagpasa ng korte suprema sa isang batas na maglilingkod sa tao ang mga pribadong abogado. Ngunit ito’y kulang, paano na ang mga inosenteng nahatulan ng mali? Paano na ang mga menor de edad na nasa mga kulungan ng matatanda?

 

                Sa ating mga mambabatas, ilang mga batas ang ginawa ng mga binoto nating mambabatas? May mga naisulat ba sila? Meron ngunit karamihan nito ay Co- Author lang sila. Parang mga isadang ilog amg iba sa kanila na nakadikit sa malalaking bato. Aminin natin na karamihan sa ating mambabatas ay walang isinulat na batas. Parang mga linta silang umuubos sa budget natin dahilsa kanilang PORK BARREL.

                Sa ating ehekutibo, Nasaan ang mga pangako ng pagunlad? Ang mga trabahong kailangan ng mga tao ay hindi dumadating sa kanila. Nasaan ang pagaasikasong bayan na hinihingi ng mga tao? Hanggang ngayon mahirap pumila o puno sa mga Ospital, Eskwelahan, at iba pang ahensya ng gobyerno. Hanggang ngayon laganap ang korupsyon sa mga barangay, munisipalidad, syudad at maging sa bawat probinsya. Sa mga oras na ito mayat maya ang biyahe sa ibang bansa nila kapitan, mayor, governor at maging ni congressman. Hanggang kailan magwawalang bahala tayong mga botante sa mga taong ibinoboto natin? Huwag sanang dumating ang panahon na gantihan tayo ng demokrasya na tinatamasa natin sa ngayon, at ihagis tayo lahat sa isang malagim na rebolusyon dahil sa ating panglilibak sa aspeto ng tunay na demokrasya.

                Maraming kayang maglingkod ngunit sadyang may mga taong hindi marunong pumili ng kanyang iboboto….. Ito ang tunay at totoo at dito MAGWAWAKAS ang demokrasya. Ang mga kababayan ko o natin ay tuluyang nagugutom, namamatay sa kakulangan sa ospital, walang mapagtrabahuhan, walang hustisya, walang magandang serbisyo, walang bahay, at higit sa lahat walang matakbuhan. Ito ang isa sa mga sangkap na maaring magpaigting sa pagwasak ng isang bansa. Nakakatakot ito, at itoy hindi hakahaka lamang dahil napatunayan na ito sa ROME ng panahon ng Emperyo nila. Maari itong maulit muli at sa katunayan maraming mga bansa ngayon na magulo at ayaw nating taglayin ang ganoong sitwasyon. Pero sa takbo ng ating bansa ay hindi malabong matulad tayo sa kanila.

                Kaya’t huwag nating hayaan ito, hanggang nasa ating mga kamay ang pagbabagong hinahangad natin, naniniwala ako na kung sama-sama tayo bilang isang bansa malalabanan natin ang malagim na kinahinatnan natin sa ngayon. Ang pag wawalang bahala sa ating responsibiladad na isang mamamayan ng ating bayan ay dapat nating baguhin dahil sa huli ay tayo rin ang tatanggap ng lahat ng ating ginagawa. Muli sanay nakapagbigay ako ng isang maliwanag na mensahe sa ating responsibilidad bilang isang Mamamayan.


Posted by aarontestado at 6:30 pm | permalink

Previous Comments

vote wisely.

Posted by eztvstream at December 11, 2010, 8:59 pm

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment