"A single bullet can kill a person instantly and a Pen can kill thousand more by a single sheet of paper."

Home » Post Item » Ang Paghaharap ng mga kandidato sa Pagka Pangulo

Ang Paghaharap ng mga kandidato sa Pagka Pangulo

December 7, 2009

 

 

Sa aking napanood kagabi sa ABS-CBN ay naging maganda ang takbo ng debate ng mga kandidato ngunit kapansin pansin na bakante ang isang pwesto sa unahan. Gayon pa man ay maayos ang pagkakabanggit ng mga tanong sa bawa’t kandidato ng ibat-ibang mga indibidwal, mayroon din konting katatawanan na pinangunahan ng dating pangulong Joseph Estrada. Ang bawat isa sa kanila ay naglahad ng kani-kaniyang platapormang pang pulitika. Ang mainit na mga katungang nangyayari sa Mindanao ang naging pangunahing usapan ng kanilang debate at isanama na rito ang ibat-ibang Gawain ng pangulo.

 

Sa ganitong paraan maipapakita o mailalahad ng mga kandidato ang kanilang mga balaking makatulong sa bayan kung sila ang maihalal na Pangulo sa susunod na taon.

Iisa isahin ko ang ang aking naging pag kilatis sa bawa’t isa, base sa aking napanood kagabi. Mga kaibigan ito po’y sa aking sariling pananaw lamang. Ito po ang mga ss:

 

Gibo Teodoro – Magaling ang kanyang naging pag sagot sa mga katanungan, wala akong nakitang pagkakabalisa habang siya’y sumasagot sa katanungan. Isa siyang matalinong tao at desente sa pagsagot ng mga tanong, gayon din naman sa pag trato niya sa mga katunggali. Malinis na gobyerno ang kanyang plataporma, ang kanyang mga basehan ay base sa actual facts o sa totoong sitwasyon ng bansa at hindi sa pangangako lamang inilaan ang kanyang mga basehan. Dahil din ito siguro sa kanyang katungkulan sa ngayon na Defense Secretary ng ating bayan.

 

Dating Pangulong Joseph Estrada – Siya’y masasabing “easy go lucky” bukod sa pagpapatawa ay mapapansin rin ang kanyang katandaan at sa aking palagay medyo may problema na ang dating pangulo sa pandinig. Subalit ang kanyang plataporma ay humahalintulad sa isang Makapangyarihan at malakas na gobyerno kung sakaling siya ulit ang maihalal na pangulo, ito ang aking nagging pananawa sa kanyang mga binitiwan na salita ukol sa mga tanong sa Mindanao. Ang ating nakitang pagkubkub sa mga base militar ng mga kaliwa sa Mindanao sa kanyang pamumuno ay naging marahas para sa mga kalaban. Isang bandila, isang gobyerno at isang diwa ang kanyang isinusulong. Ang kanyang buong loob na pagtulong sa mga mahihirap ay hindi maitatagi na nagtulak na kumandidato ulit.

 

Ginoong Perlas – Maganda rin naman ang kanyang mga naging pag sagot ngunit ang halos sa kanyang mga binaggit ay poot sa kasalukuyang pangulo, makikita ang kanyang pagiging magalang na sa lahat ng oras na aking napakinggan siya ay hindi ko na malimot ang salita PO at OPO sa kanyang mga sasabihin. Bagong Pilipinas ang kanyang plataporma, isang malinis at maayos na gobyerno ngunit duda ako kung magtatagumpay itong plataporma na ito dahil alam po naman natin na halos walongput limang porsyento ng ating gobyerno ay madumi ang pagpapatakbo. Marami siyang makakalaban pang pulitika kung uupo siya at magiging “WARZONE” ang Kongreso at Senado sa dami ng kanyang balak baguhin sa ating Gobyerno.

 

Ginoong Eddie Villanueva – Wala akong nakikitang pagkabalisa rin sa kanya sa pagharap sa mga tanong na ibinato sa kanya. Ang akin po lamang napansin ay ang kanyang pagiging makadiyos. Na sa kanyang pagkakaupo sa unang araw; kung sakaling siya ang maihalal na pangulo ay maglalabas siya ng executive order para sa pagpapasalamat sa diyos. Wala akong nakikitang pangit doon, siya’y handang mag resign kung magkakasala ang kanyang Pamilya sa taong bayan iyan ang kanyang sinabi na salita.

 

Ginoong Dick Gordon – Kamay na bakal at isang masigabong pagpupursige na baguhin ang sistemang pang Pamahalaan iyan ang aking nakita sa kanyang mga plataporma. Maunlad na Pilipinas sa pamamagitan ng bayanihan nating lahat at ang pagbaklas ng populasyon sa Maynila sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga kumikitang karatig bayan ang kanyang isusulong kung siya ang palarin na maging pangulo. Ako namay naniniwala sa kanyang sinabi dahil nakita na natin ito sa subic at alam natin siya ang nag palago dito. Isang maayos na sistema ng kumunidad namay disiplina at may paggalang sa batas. Ngunit sa kabilang banda marami rin tumutuligsa sa kanyang pamamalakad dahil ang mga Pilipino ay hindi na sana’y sa isang mahigpit na pamamalakad.

 

Senador “Noynoy” Aquino – Maayos na pagsagot sa mga katanungan walang paligoy ligoy at tumpak na matalinong pag sagot sa mga katanungan ang kanyang ipinamalas kagabi. Makikita ang pagiging demokratiko niya maging sa kanyang pagsasalita, kumakatawan din sa isang maayos na pamamalakad ang kanyang gobyerno at nakikita ko ang kanyang inang si Pangulong Cory Aquino sa kanyang mga binitawan na salita.

 

Konsehal JC Delos Reyes – Isang tapat at nakababatang kandidato ang aking nakita sa kanya, isang siyang batang-batang Politiko sa larangan ng pagtakbo sa pagkapangulo, mababanaag ang kanyang malamlam at medyo kabadong pagsagot sa mga katanungan. Ngunit hindi maitatangi ng mga nakatatanda sa kanya na ang pag asa ng bayan ay sa aming mga kabataang nakalaan. Maganda ang Plataporma niya ang pagbasura sa Political Dynasty at pagkakapantay pantay ng tao sa pangalan ng batas.

 

Lahat ng tatakbo sa pagkapangulo ay maganda ang hangarin para sa bayan. Nasa atin pong mga kamay bilang mga botante ang pagkakaluklok sa kanila. Malayo pa po ang eleksyon at mabibigyan po tayo ng  panahon na pag nilay nilayan ang mga plataporma ng ating mga kandidato. Tayo po’y bumoto ng tama nang sa gayon ay makausad na po ang ating bayan. Gamitin po natin ang ating isip at puso sa pagpili ng ating susuportahang kandidato dahil, hindi po makukubli na sa ating pag pili at pagboto sa eleksyon nakasalalay ang susunod na mga taon ng ating bayan. Sa mga mananalo sa darating na halalan nakasalalay muli ang tatahaking bukas n gating bayan. Panahon po ito na pairalin natin ang ating pagiging makabayan ng sa gayon ay mailaan natin ang isang maunlad na kinabukasan para sa ating mga anak sa pamamagitin ng ating maayos na pagboto.

 


Posted by aarontestado at 2:28 pm | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment